Sa likod ng bawat ngiti, nagkukubli ang lungkot;
Sa bawat halakhak, katumbas ay pait;
Sa bawat galak ay puno ng pagpipighati.
Masayahin daw ako, masarap kasama
Napapawi kanilang lumbay kapag ako’y kausap na
Walang patay na sandali, lahat ay sumasaya
Mula sa umaga, sa hapon, sa gabi hanggang sa mag paalam na
At sa aking pag-iisa, napapawi ang saya
Tunay na damdamin ang siyang makakasama
Nagtatagong lungkot, iiral pagdaka
Itago mang pilit – siya paring aalma
Hanggang kalian ako magtatago sa likod ng mascara?
Hanggang kalian ko itatago ang lumbay sa aking puso?
Kailan ako ngingiti ng wagas at tunay?
Kailan ako magiging tunay na masaya?
Hangga’t may mga taong mapagkunwari;
Hangga’t may mga taong mapagbalatkayo;
Hangga’t may mga taong mapanghusga;
Hangga’t may mga taong mapanglibak...
Hangga”t….
Unti-unti kong huhubarin ang maskarang bumibihis sa akin
Unti-unti kong buburahin ang lungkot sa aking puso
At pag naghilom na, hindi ko na kailangang magtago pa.
Haharap akong sa inyong lahat na may buong galak, tuwa at saya.
No comments:
Post a Comment