Monday, March 1, 2010

Jose

Nais kong ibahagi ang kuwentong buhay ng isa kong kakilala...

Siya si Jose, pangalawa sa limang magkakapatid na nagmula sa isang mahirap na pamilya. Tanging pagsasaka ang ikinabubuhay ng kaniyang pamilya. Ang kanyang butihing ina ay tumatanggap ng labada mula sa kapatid nito, nagpapakaalila para may maipakain sa kanilang limang magkakapatid.. Walang natapos na pag-aaral ang kaniyang mga magulang kung kaya’t ganon na lamang ang pagsusumikap ng mga ito upang sila ay mapag-aral..

Nakatapos si Jose ng High School. Subalit hindi muna siya nakapagpatuloy sa kolehiyo. Kinailangan niyang tumigil upang bigyan ng pagkakataon ang panganay nilang kapatid na magkolehiyo. Dalawang taon din ang itinigil niya sa pag-aaral. Sa loob ng mga panahong iyon, siya ay tumutulong sa mga gawaing bukid, nag-aalaga ng bata, nag lilinis ng bahay at kung ano pang mga gawaing maaring iutos sa kanya.

Hindi rin nakatapos ang panganay nilang kapatid bunga ng personal na kadahilanan.. Ito na ang pagkakataon upang siya naman ang makapag-aral kasabay ang isa pa niyang kapatid.. Sa tulong ng isa niyang kamag-anak, napasama sa isang scholarship program ang kanyang kapatid. Malaking tulong ang naibigay nito upang mapagsabay silang makapagkolehiyo. Two-year course lang ang pinasok niya, samantalang 4-year course ang sa kanyang kapatid.

Lumipas ang dalawang taon, Sumakabilang buhay ang kanyang ina. Hindi na nito nasaksihan ang pagtatapos ni Jose. Naiwan ang kanyang kapatid na nasa ikatlong taon na. Hindi naging madali sa kanya ang humanap ng mapapasukang trabo. Marami-rami na rin siyang inaplayan. Hanggang sa matanggap siya sa isang kompanya. Pinagbutihan niya ang kanyang trabaho. Sa simula ay maliit lang ang kanyang kinikita, sapat lamang upang suportahan ang kaniyang pamilya..

Nakakalungkot isipin na hindi rin nakatapos ang kanyang kapatid, nakakapanghinayang ang scholarship na ipinagkaloob sa kanya. Isang taon na lamang at matatapos na siya. Kung sana ay si Jose na lamang ang napagkalooban ng ganoong pagkakataon..

Magkaganon pa man. Mas lalong pinagbuti ni Jose ang kanyang pagtatrabaho. Halos lahat ng kinikita niya ay sa pagpapaaral na dalawa pa niyang kapatid napupunta.

Sa awa at tulong ng Dakilang Lumikha ay napagtapos niya ang dalawa niyang kapatid sa mga kilalang unibersidad sa tulong pa rin ng kanyang ama na halos magkasakit sa pagsasaka sa bukid..

Ang laki ng kanyang pasasalamat, dahil iniisip niya na kahit papaano ay makakatulong na ang kanyang mga kapatid sa mga gastusin sa bahay. May pagkakataon na rin siyang mapag-aral ang sarili at magkaroon ng mas mataas na degree sa kolehiyo.

Subalit, hindi pa rin naging madali para sa kanya ang mga pagkakataon.. Halos siya pa rin ang gumagastos sa lahat ng gastusin sa bahay. Naturingang nakatapos sa pag-aaral ang dalawa niyang kapatid, subalit wala naman itong naitutulong. Mabuti pa ang sumunod sa kanya kahit paano ay nakaktulong sa mga gawaing bahay at kung minsan ay nakakapag-abot ng pang-grocery..

Masmasakit pa sabay nag asawa ang dalawa niyang kapatid.. Wala rin pala siyang aasahan... Pati ang pag-aalaga sa may sakit na ama ay sa kanya parin. Ulitmo pang hospital at gamot na pang-mentena nito ay siya lahat ang gumagastos. Kung minsan naitatanong niya sa sarili, nasaan ang malasakit ng kanyang mga kapatid, matapos na sila ay maigapang ng kanilang mga magulang ay ganon nalang..

Lumipas pa ang mga araw, hindi na rin nagtagal ang buhay ng kaniyang ama. Medyo lumuwag ng kahit konti ang kanyang binabalikat..

Subalit hindi parin pala doon nagtatapos ang kanyang mga obligasyon. Oo nga at may sarili ng pamilya ang kanyang mga kapatid ay sa kanya parin lumalapit ang mga ito. Hanggang sa mag pasahanggang ngayon.

Dahil sa angking kababaang loob, hindi niya magawang talikuran ang mga pangangailangan ng kanyang mga kapatid, kahit na kung minsan ay gusto na niyang sumuko at pagtuunan na lang ng pansin ang kanyang sarili. Tumatanda na rin naman siya, paano kung dumating ang panahon na siya naman ang mag kasakit at mangailangan ng tulong, sino ang tutulong sa kanya. Sana pag dumating ang pagkakataong mangyari nga ito, nandiyan ang kanyang mga kapatid upang siya ay damayan, hindi man sa paraang pinansiyal kung hindi dahil sila ay kapamilya.

Mabuhay…

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...