Panatag ang gabi. Hindi alintana ang nagbabadyang pagluha ng langit. Maliban na lamang sa malamig na paghaplos ng hangin na animoy idinuduyan ka sa katahimikang handog ng pagpikit ng iyong mga mata. Dala ni Camhi sa kanyang panaginip ang dalisay na pangarap na sa muling pagmulat kasabay ng bukang liwayway ang isang bagong umaga sa kabila ng mga dagok na kanyang mga pinagdaanan.
At ngayon sa loob ng mahabang araw na dumaan, haharapin niyang muli ang bagong umagang puno ng pag-asa? Kung nakaya niyang mapagtagumpayan ang mga kalungkutan at mga masasalimuot na pangyayari sa kanyang buhay, haharapin niyang muli ang bukas na may katatagan at walang takot anuman ang dumating pagkat ang lahat na itoy lilipas din. Nalalaman niyang ang pananalig sa kanyang puso ang siyang magbibigay ng katatagan upang ipagpatuloy ang araw na darating.
Subalit, magagawa lang niya ito kung wala na ang mga galit at sama ng loob na naipon sa kanyang dibdib – handa na siyang makalimot at magpatawad.
-------
“Magandang umaga po. Tita. Andiyan po ba si RD, pwede ko po ba siyang makausap?”
“Matagal ka na niyang hinihintay, alam kasi niya na darating ang araw na mapapatawad mo rin siya at muling kakausapin at natutuwa ako at nandito ka ngayon.”
“Sa mga nangyari po sa akin, sa amin dalawa, marami akong natutunan at isa na dito ang magpatawad. Mahirap kasing ikulong sa puso at damdamin ang mga bagay na magsisilbi lang balakid to moved on.”
“Wala na siya dito sa bahay. Pero huwag kang mag-alala punpuntahan ko siya ngayon, at alam kong masisiyahan siya sa pagbisita mo.”
“Saan po ba siya nandoon ngayon?”
“Halika samahan mo ako.”
-------
Habang nakasakay siya kasama ang Mommy ni RD ay hindi niya maipaliwanag kung bakit bigla nalang siyang nakaramdam ng kaba at may kung anong malamig na hangin ang bumalot sa kanyang katawan na nakapagpataas ng kanyang mga balahibo.
Gusto niyang basagin ang katahimikan sa loob ng sasakyan, pero tila yata natuyo ang kanyang laway at hindi siya makapagsalita. Ganoon din ang Mommy ni RD na parang may gustong sabihin at ipagtapat sa kanya subalit mas pinili na lang nitong manahimik.
Hanggang sa papalapit na sila sa kinaroroonan ni RD. Mas lalo siyang nagtaka at kinilabutan ng pumasok ang sasakyan sa loob ng Manila Memorial Park. Hindi niya maiwasan magtanong sa kanyang sarili kung ano ang ginagawa ni RD sa lugar na iyon. Upang tanggalin ang kutob na nararamdam niya ay inisip na lang niya na meron itong dinadalaw dito.
“Nandito na tayo” ang sabi ng mommy ni RD pero wala siyang nakikitang ibang tao maliban sa kanilang dalawa.
“Tita sigurado ba kayong nandito siya” ang pagaralgal niyang tanong.
“Oo, malapit mo na siyang Makita.”
Kaunting lakad pa ay narating nila ang isang puntod. Dito na nakumpirma ni Camhi ang kanyang kinakatakutan at lalo pang lumakas ang kaba sa kanyang dibdib. Hindi siya makapagsalita, nanginginig ang kanyang katawan.
++++++++++++++++++++++
In loving Memory of:
RAYMOND DAVE D. ALVAREZ
December 1, 1988 – October 20, 2010
“Our Love is here for You”
+++++++++++++++++++++++
“Alam mo ba kung gaano ka niya kamahal?” Handa niyang ialay ang kanyang buhay para sa’yo at handa niyang ipagkaloob kahit ang kanyang mga paningin upang muli kang makakita. Natakot siyang ipaalam ang tunay niyang kalagayan na kahit sa amin ay inilihim niya,nang matagal higit lalo sa iyo dahil ayaw ka niyang makitang nasasaktan. Subalit iba ang itinadhang mangyari.
Wala siyang pinagsisisihan, at alam kong Masaya na siya sa kanyang kinaroroonan ngayon – sa piling ng Dakilang Lumikha.”
“Subalit paano po nangyari na sa kanya galing ang mga paningin ko”
“Noong naka-schedule kang maoperahan, ilang araw na lang ang kanyang itatagal. Kung naaalala mo napostponed ang dapat sanang araw ng operasyon mo, dahil nakiusap siya kay Doctor Aguinaldo na noon ay nakakuha na ng cornea mula sa isa niyang pasyente na namatay mula sa pagkakahulog sa ikaapat na palapag ng kaniyang tinutuluyang condominium.”
“Ipinagpaliban ni Doctor Aguinaldo ang iyong operasyon dahil nangako siya sa anak ko na natutuparin niya ang kahilinginan nito.”
At bago siya tuluyang nawalan ng hininga wala siyang ibang bukang bibig kungdi ikaw.. At nais niyang malaman mo na MAHAL NA MAHAL KA NIYA.”
------
Hindi niya napigilan ang pagdaloy ng luha sa kanyang mga Mata. Gusto niyang sumigaw at sabihin sa kanya kung gaano din niya ito kamahal, Mahal na mahal niya si RD. Tila nauupos na kandilang napaluhod si Camhi sa lupa. Humagulgol na hinawakan ang lupang nakatabon sa puntod ng lalaking kanyang pinakamamahal. Tila naman nakisama ang panahon sa kanyang pagdadalamhati at pumatak ang ulan. Patuloy siya sa mahinang paghagugul. Itiningala niya ang kanyang mukha sa langit habang ang mga luha ay sumasabay sa agos ng ulan sa kanyang mukha, ipinikit ang kanyang mga mata at sinabing…
"My Love will always be here for you…”
-wakas-
No comments:
Post a Comment