Saturday, April 3, 2010

Hiwaga ng Pag-ibig

Mahiwaga ang pag-ibig, alipin tayo ng kanyang taglay na mahika. Ang sabi nga “Pagpumasok sa puso ninoman, hahamakin ang lahat masunod ka lang.” Tunay ngang alipin tayo nito lalo pa’t sapul ito sa ating mga puso. Kung bakit nga ba, ang puso ay may sariling dikta na hindi saklaw ng ating katinuan. Tinatangay nito ang ating damdamin, ang ating pag-iisip. Nakalilito, nakakatuliro kung minsan. Sunod-sunuran tayo dito dahil iyon ang alam nating tama, dahil ba masaya tayo? O dahil sadyang hindi natin nakikita ang mali. Nagbubulag-bulagan tayo. Nasasaktan na tayo pero hindi parin sumusuko. Pilit pa rin nating ipinaglalaban, pilit parin natin niyayakap ang bulong ng ating mga puso. Palakas ng palakas na halos mabingi na tayo sa pagsunod dito.

Sa kabilang banda, may maganda rin namang naidudulot ang pagkahumaling sa hiwaga nito. Lalo na’t ang iyong pinaglalaanan ng pagsinta ay ikaw rin ninanais. Hndi ba’t anong saya.. Hindi ba’t anong sarap magmahal. Lalo’t higit ikaw rin ang kanyang mahal. Sana nga ay ganon na lang palagi. Sana nga ay ganon lang lahat ang maranasan ng isang umiibig at nagmamahal. Magbiro man ang tadhana, ang importante ay naging sila. Ang mahalaga ay naging makabuluhan ang pagsunod nila sa dikta ng kanilang mga puso.

Paano kung hindi nga? Nadapa ka na ay patuloy ka pa rin gagapang. Ganyan ka bang magmahal? Sa halip na tumayo at tanggapin ang dagok ng pag-ibig ay hahayaan mo pang malugmok sa pagkahibang. Tanggapin mo na lang kaya? Mahirap nga siguro lalo pa’t tunay ang pagmamahal na ibinigay mo. Lalo pa’t hindi ka nagtira ni konting pagmamahal para sa iyo. Paano mo muling bubuuin ang puso mo? Paano ka muling magmamahal? Paano mo siya kalilimutan? Ang daming tanong, pero ikaw din lang ang makasasagot.

Mahiwaga man ang tawag ng pag-ibig, sana’y may kapangyarihan tayong baguhin ito. Sana’y may kakayanan tayong manipulahin ito, hindi kaya ay tanggihan ito. Nasa ating dalisay na pag-iisip, sa busilak nating mga puso kung kakayanin ito.

Wala namang dapat pagsisihan o dapat sisihin kung sakaling nagpatangay tayo sa tawag nito. Tayo’y tao lamang mang, minsan marupok, minsan mapusok, minsang mapangahas. Sinubok lang naman nating magmahal. Huwag lang sana tayong magpakagumon dito.

Dili kaya’y tawanan nalang natin ang ating pagkabigo at kalimutan ang sakit na iniwan nito. Maghihilom din ang sugat, mag iwan man ng masasakit na ala-ala, lilipas din ang lahat hanggang sa handa na tayong muling magmahal at sa pagkakataong ito, kaya na natin, alam na natin, dahil pinatibay na tayo ng ating karanasan.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...