Muli na naman akong dinalaw ng isang pamilyar na mukha sa aking panaginip. Matagal ko na siyang napapanaginipan, kung minsan ay halos gabi-gabi niya akong sinasamahan sa aking pagkakahimbing.
Sa dimensiyong iyon ng aking pagkakahimbing tila may isang damdamin ang namamagitan sa aming dalawa. Ewan ko, hindi ko rin sukat mawari dahil sa tuwing magbabalik ako sa katotohanan ay naiiwan ang kahit na anong mapagkakakilanlan sa kanya.
Hanggang ngayon ay nanatili siyang isang misteryo sa akin. Kahit ang pangalan niya ay hindi rumirehistro sa aking utak, although sa loob ng aking mga panaginip ay kilalang-kilala ko siya.
Hindi ko rin mailarawan ang kanyang wangis. Alam kong nagtataglay siya ng isang maamong mukha at magandang pangangatawan. Alam kong isa siyang mabuting tao.
Parang ngang mga tagpo sa isang pelikula ang bawat naming pagkikita. May blockings na sinusunod. Kalimitan ay nakatalikod siya sa aking diwa, kung minsan naman ay kalahati lang ng kanyang mukha ang nakarehistro. Magkaganon pa man, alam ko ang kanyang kabuuan.
Isang bagay lang ang hindi ko nalilimutan . Ang suot niyang singsing na may itim na bato. Palagi kasi niya itong suot sa tuwing kami ay magkikita. Isang bagay na hindi ko pa nakikita sa kahit saan o sa kahit na sino pa man. Tanging siya lang ang nagmamay-ari nito.
Hay!sino kaya siya sa labas ng aking panaginip. Kailan ko kaya siya makikilala? Isa lamang ba siyang kathang isip? Mananatili na lamang ba siyang isang panaginip?
Paano kung piliin ko na lang na huwag magising, kung doon lang ang tanging lugar kung saan ko siya makakasama magpakailan man.
Pero, pero… mas maganda kung sa realidad ko siya makikilala..
Kaya gising na... hanggang sa muli na lang nating pagkikita…
No comments:
Post a Comment