Maaliwalas ang buong kabahayan, malinis at mabango kahit pa sabihing puro lalaki ang mga nangungupahan dito. Apat ang kuwarto sa loob ng bahay. Ang tatlong kuwarto ay may tatlo hanggang apat na mga boarders maliban sa isang silid sa may bandang mezzanine na pang isahang boarder lang (pwede rin naman pangdalawahan) maliit kasi ito kumpara sa tatlong kuwarto.
Ang Caretaker naman ng bahay ay sa katabing bahay lang naninirahan. Wala ang may-ari nito dahil matagal nang nagmigrate sa ibang bansa. Isa o dalawang beses lang sa isang taon umuwi ang panganay na anak ng may-ari upang bisitahin ang bahay.
Okupado na ang lahat ng silid maliban sa kuwarto sa mezzanine na malimit mabakante. Medyo hiwalay kasi ito sa tatlong silid na halos makakatabi lang.
Tamang-tama naman at naghahanap ako ng room for rent na malapit sa bago kong pinapasukang trabaho. Pamatay kasi sa biyahe kung mag-uuwian pa ako, imbes kasi na nagpapahinga na ako ay nasa daan parin ako pauwi ng bahay. Mababawasan pa ang oras ko para gumi-mick kasama ang mga bago kong kabarkada.
------
Kinabukasan ay agad akong nagpasama sa isa kong kaibigan upang kausapin ang caretaker ng bahay.
“Puwede ko po bang makita ang kuwarto?”
“Halika, medyo hiwalay nga lang ito sa ibang silid pero alam kong magugustuhan mo dahil bukod sa tahimik dito ay well ventilated pa ang kuwarto dahil sa malaking bintanang nagsisilbing singawan ng init na kumukulong sa loob ng kuwarto.”
Agad ko naman nagustuhan ang silid. Hindi na masama para sa dalawang mangungupahan. Maayos ang double bed na nakapuwesto sa gawing kaliwa ng silid, may built –in cabinet at isang study table.
Konting chika-chika pa ay nagkasundo kami sa mga terms and condition. Bukas na bukas ay lilipat na ako.
-------
Unang gabi ko sa bago kong inuuwian, mukhang magiging maganda at mahimbing ang aking magiging pagtulog, Pinili ko ang ibabang bahagi ng double deck. Tahimik ang gabi, humahaplos sa aking balat ang malamig na dampi ng hanging pumapasok sa siwang ng bintana.
Walang pasok kinabukasan kung kaya’t minabuti kong magpatanghali ng gising. Hindi nga ako nagkamali, naging mahimbing at tamimik ang aking buong magdamag.
Lumabas ako ng kuwarto upang maligo. Dalawa ang palikuran ng bahay na may maluwang na shower room ang bawat isa gaya sa sa isang pribadong resorts. Hindi problema kung sakaling magkasabay-sabay na gagamit ang mga boarders.
Maluwang din ang dinning area kung saan nandoon ang ilang mga boarders na kasalukuyang nag-uumagahan. Sa tingin ko ay matagal na silang magkakakilala at ang iba ay magkakasama pa sa kanilang pinapasukang trabaho. Ako lang yata ang walang kasamang kakilala dito. Anyways, bago pa lang naman ako dito, in time ay may makakasundo din ako sa kanila. Maaring magkaroon din ako ng roommate, pero mas maganda kung wala para may privacy ako.
-------
“Ikaw pala yung bagong naming makakasama dito sa bahay. Ako nga pala si Louie, mga ka-roommates ko?”
“Hi!... Mico” ang pagpapakilala ko.
“Mukhang tinanghali ka nang gising ah. Bakit may pumuyat ba sa’yo kagabi? Ang nakakainsultong tanong nang isa sa mga kasama ni Louie.
“Pasensiya ka na dito sa lokong ito, mapagbiro lang talaga yan.”
“Okay lang” ang sagot ko,sabay talikod upang maligo.
Habang humamakbang ako palayo sa kanila ay ramdam ko na nagbubulungan sila na sinabayan pa ng mga imbit na pagtawa. Hindi tuloy maalis sa isip ko na baka ako ang kanilang pinag-uusapan.
Sila ba ang makakasama ko dito da bahay? Pero iba naman ang dating ni Louie at ng iba pa niyang mga kasama, mukha naman silang mabait at palaka-ibigan. Maliban na nga lang sa isa na medyo may pagkapresko ang dating.
-------
“Pare pustahan tayo, hindi rin tatagal yan dito. Matagal na siguro ang isang Linggo.”
“Sigurado ka ba diyan?”
“Ako pa. Hindi ba pang-apat na siya ngayong buwan palang na umukupa sa kuwarto sa may mezzanine, kaya feeling ko mga tol hindi rin tatagal yan... Pagmali ako sagot ko ang inuman pero sorry nalang mga tol dahil sigurado akong hindi yan magtatagal.”
“Bakit anong binabalak mong gawin ha?.. Nagkataon lang siguro na hindi tumagal ang mga nauna sa kanya, maaring may nakitang mas magandang malilipatan, maari rin namang natakot sa pagmumukha mo, inaaswang mo yata eh...hehehe"
"Mga gago, bakit ko naman gagawin yon. Ako pa... Oh ano pupusta ba kayo??"
"Oh sige, pag-ipunan mo na ang pangpainom mo ha at samahan mo pa ng pulutan."
"Call.."
---------
Lumipas ang limang araw ay wala naman akong naging problem sa tinutuluyan ko maliban na nga lang sa mga nakakailang na tingin ng ilan sa mga kasama ko sa bahay higit lalo si Dennis ang preskong kaibigan ni Louie. Pero bale wala nalang sa akin iyon, sanayan lang kung baga, ang importante ay mayroon akong privacy sa aking silid.
-------
Isang gabi ay nagising nalang ako sa munting kaluskos na nagmumula mismo sa loob ng silid ko. Noong una ay hindi ko ito pinansin, maaring pusa lang ang lumilikot na iyon sa may tapat ng bintana pero hindi nga ako nagkakamali nagmumula ang ingay sa loob ng silid. Ramdam ko rin ang biglang pagbigat ng hinihigaan kong double deck at ang paglangitngit nito. Meron ba akong hindi alam? Mayroon na ba akong makakasama dito sa loob ng silid Bakit hindi man naipaalam sa akin ng aming caretaker. Kung sabagay, gabi na rin pala ako umuwi kanina. Pero paano kung hindi, bigla tuloy akong nakaramdam ng konting kaba. Marahan akong bumangon upang makasiguro sa aking sapantaha, hindi ko na binuksan ang ilaw, sapat na ang liwanag na nagmumula sa labas ng bintana upang masilayan ko ang dapat kong makita.
Bahagya akong nagulat ng mapansin kong may nakahiga sa pang-itaas na double deck. nakatagilid siya paharap sa kabilang bintana. Mukhang nahihimbing na siya sa kanyang pagtulog.
Nabawasan ang kaba ko, pero bakit hindi maalis sa akin ang mag-isip.. Sino siya? Kailan siya lumipat dito? Kung sabagay, hindi nga pala ko umuwi kagabi... Hanggang sa nakatulog na ako ng mahimbing..
(itutuloy)